BUKAS NA LIHAM PARA SA MAMAMAYANG PILIPINO

TUMINDIG TAYO PARA SA KATOTOHANAN, PANANAGUTAN, AT KONSTITUSYON

Mga kababayan,

Sa panahong ang ating bayan ay patuloy na humaharap sa krisis ng katiwalian, kawalan ng pananagutan, at pamumulitika sa halip na serbisyo, isang mahalagang tanong ang dapat nating sagutin: Hanggang kailan tayo mananahimik?

Ngayon, tayo ay nananawagan sa lahat ng mamamayang Pilipino na tumindig para sa katotohanan at pananagutan.

Ang ating Saligang Batas, Artikulo XI, Seksyon 3(6), ay malinaw:
“Ang Senado ay dapat agad (forthwith) magsimulang litisin at pagpasiyahan ang kaso.”
Ito ay hindi mungkahi. Hindi ito pakiusap. Ito ay tungkulin — isang obligasyong dapat gampanan ng Senado sa ngalan ng sambayanang Pilipino.

Ang hindi pagtupad sa tungkuling ito ay hindi lamang paglabag sa batas, kundi pagkakanulo sa tiwala ng taumbayan.

Ang impeachment trial ay hindi paghusga ng opinyon. Ito ay legal na proseso upang mapakinggan ang katotohanan, mapagpasiyahan nang patas ang mga akusasyon, at maitaguyod ang pananagutan ng mga pinakamataas na opisyal ng bansa.

Kung walang paglilitis, walang linaw. Kung walang linaw, walang katarungan,
At kung walang katarungan, paanong makakapaglingkod nang may dangal ang sinuman sa gobyerno?

Kaya kami ay nananawagan:


• Sa mga Senador: TUPARIN po ninyo ang inyong sinumpaang tungkulin. Simulan na ang paglilitis.
• Sa mamamayang Pilipino: Huwag po tayong tumalikod sa ating kapangyarihang sibiko. Sumulat tayo. Kumilos tayo. Magsalita tayo.

Kung tayo’y nagkaisa sa pagboto, magkaisa rin tayo sa pagtutol sa kawalang pananagutan.

Kung kayo’y sumasang-ayon, makiisa sa panawagang ito. Ipadala ang inyong liham, mensahe, at paninindigan sa mga Senador.
Sabihin natin sa kanila: Panahon na para pairalin ang Saligang Batas.

Sa ngalan ng bayan, ng hustisya, at ng kinabukasan ng ating mga anak — TUMINDIG TAYO.

Tulungan nawa tayo ng Poong Maykapal.

Lubos na gumagalang,
MGA REDEMPTORISTANG MISYONERO SA PILIPINAS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *